MANILA, Philippines - Bumangon ang AirAsia Philippine Patriots mula 16 puntos pagkakalubog bago inangkin ang 90-87 panalo laban sa kinapos na Westports Malaysia Dragons sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa MABA Gym, Kuala Lumpur, Malaysia.
Magarbong pagbabalik sa Patriots ang ginawa ni Anthony Johnson nang magpakawala ito ng kanyang season-high na 34 puntos pero malaking papel din ang ginawa ni Angel Raymundo sa huling yugto para tuluyang makapagdomina ang Patriots.
Si Raymundo na hindi sumablay sa anim na attempts sa laban, ay naghatid ng walong puntos sa huling yugto para tulungan ang Patriots na ma-outscore ang home team, 26-16, at makumpleto ang sweep sa tatlong road games tungo sa nangungunang 10-2 baraha.
May 19 puntos, 14 rebounds at 4 blocks pa si Nakeia Miller at ang Patriots ay nasuwertehan din na makitang walong minuto lamang ang inilaro ng pambato ng Dragons na si Tiras Wade habang si Donald Little ay napatalsik sa laro dala ng limang fouls may 3:24 sa bakbakan.
Ang nangungunang iskorer ng liga na si Wade sa kanyang 26.5 puntos ay tumapos lamang taglay ang 7 puntos at tuluyang inilabas may 7 minuto pa sa ikalawang yugto tila may iniinda sa katawan.
Hindi naman agad na tumupi ang Dragons na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan tungo sa 7-5 karta, dahil nag-init si Patrick Cabahug na tumapos taglay ang 23 puntos.
Samantala, sasalang naman ang San Miguel Beermen ngayon kontra sa Bangkok Cobras sa Chulalongkorn University, Bangkok at nais ng bataan ni coach Bobby Ray Parks Sr. na masungkit din ang ika-10 panalo matapos ang 13 laro.