Looking good ang Meralco
Mukhang hindi na nagpa-fluctuate o nagba-brownout ang Meralco Bolts sa PBA Philippine Cup at nagsisimula ng magbunga ng maganda ang pagpapalit nila ng import.
Matapos na malugmok sa kartang 1-4 ay nagtala ng magkasunod na panalo ang Bolts kontra Barangay Ginebra at Rain or Shine noong nakaraang linggo upang umakyat sa 3-4. Well, hindi pa naman sila tuluyang nakakaalis sa delikadong sitwasyon pero masasabing ang Bolts ay “in the right direction.”
Kung titingnan ang nangyari sa Meralco ay masasabing masama ang naging simula nito.
Biruin mong nagtungo pa si coach Paul Ryan Gregorio sa Estados Unidos para mamili ng import pero hindi niya napakinabangan ang pinarating niya.
Kasi nga, ang kanyang choice ay si Jelani McKoy na mayroong NBA championship ring habang naglalaro pa noon sa Los Angeles Lakers. Dumating si McKoy, nakipag-ensayo at naglaro pa sa ilang pre-tournament tune-up matches.
Ang siste’y nagtamo ito ng injury bago nagsimula ang Commissioners Cup at kinailangang palitan. Naghagilap ng pamalit si Gregorio at nakuha si Jarrid Famous.
Hindi naman masamang import si Famous dahil sa tatlong games ay nag-average ito ng 26 puntos, 15 rebounds, dalawang assists, isang steal, 1.67 blocked shots at 3.33 errors sa 43.67 minuto.
Natulungan pa nga niya ang Bolts na mamayani kontra Petron Blaze, 103-85. Pero iyon lang ang kanilang naipanalo sa unang tatlong games nilang kasama si Famous.
Nang maging available si Earl Barron, isang dating manlalaro ng Red Bull noong 2005, ay kinuha siya kaagad ng Meralco at pinakawalan si Famous. E, pinag-agawan pa nga ng AirAsia Philippine Patriots at San Miguel Beer si Famous para maging import naman sa Asean Basketball League (ABL). Napunta si Famous sa Beermen pero ito’y pagkatapos ng kontrobersya at hindi pagkakaintindihan ng Meralco at San Miguel. Ibang kwento naman ito.
So, sumandig si Gregorio kay Barron na sinabi niyang isa sa kanyang mga original choices. Katunayan, hindi lang ang Meralco ang interesado kay Barron. May ilang teams pa na kursunadang kunin ito kaya lang ay hindi pa siya available at naglalaro pa sa ibang liga.
Subalit natalo ang Meralco sa unang dalawang games ni Barron at nagsimulang kuwestiyunin ang pagpapalit na ginawa ng Bolts.
Hindi naman puwedeng magpalit ulit dahil maikli lang ang elims at baka tanso pa ang kanilang madampot. Isa pa’y nag-aadjust naman si Barron sa Bolts at nagbunga ang pagtitiyaga ni Gregorio. Hayun at nagwagi nga sila ng back-to-back games.
Sa kartang 3-4 ay kailangang mapanalunan ng Meralco ang isa sa nalalabi nitong dalawang games. O kung puwede pa nga ay mapanalunan pareho. Para tuluyang dumiretso sa susunod na yugto at hindi malaglag kaagad.
Ngayon ay makakalaban nila ang Barako Bull sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte. Sa susunod na Biyernes ay tatapusin nila ang kanilang schedule sa laban kontra Air21.
Kung tutuusin ay madali ang dalawang larong ito kumpara sa kanilang napagdaanan na. Pero ayaw ni Gregorio na magkumpiyansa ang kanyang mga bata. Alam niyang malaki ang kanilang potential pero sa kanyang pananaw ay may tendency silang makipagsabayan lang kapag nararamdaman nilang mahina ang kalaban.
Iyon ang nais ni Gregorio na maiwasan.
- Latest
- Trending