Magkakasukatan ng lakas
MANILA, Philippines - Magkakasukatan uli ang itinuturing bilang dalawang malalakas na koponan na Westports Malaysia Dragons at AirAsia Philippine Patriots sa pagbabalik aksyon ngayon ng AirAsia ASEAN Basketball League ngayon sa MABA Gym, Kuala Lumpur, Malaysia.
Ito na ang ikatlo at huling road game ng Patriots at nais nilang wakasan ito gamit ang 3-0 karta sa labang itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon.
Unang kinalos ng Patriots ang Indonesia Warriors, 72-68, noong Marso 10 bago isinunod ang Saigon Heat, 73-57, noong nakaraang Miyerkules.
Hindi naglaro si Anthony Johnson at Ardy Larong sa laban kontra Heat pero nakakuha ang tropang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco ng solidong numero sa mga locals sa pangunguna ni Francis Adriano upang mapanatili ang kapit sa liderato sa 9-2 baraha.
Si Adriano ay mayroong 15 puntos habang sina Aldrech Ramos at Nakiea Miller ay may 11 at 10 puntos.
Ang pagbabalik ni Johnson na naghahatid ng 21.2 puntos ay magandang balita sa tropa ni coach Glenn Capacio lalo pa’t ang Dragons ay tiyak na hahataw upang maipaghiganti ang 72-86 pagkatalo sa Patriots sa unang tagisan.
Hanap din ng home team na maibangon ang sarili sa tinamong 81-85 kabiguan sa Bangkok Cobras noong Miyerkules.
- Latest
- Trending