J-Pat alanganin sa Davis Cup sa Pakistan
MANILA, Philippines - Nalagay sa peligro ang paglahok ni Jeson Patrombon sa 2012 Davis Cup Asia Oceania Zone Group II second round tie sa Pakistan sa bansa dahil sa tinamong ankle injury sa idinadaos na Men’s Futures I sa Japan.
Minalas na napasama ang pihit sa right ankle ng 18-anyos Filipino netter sa second set sa laro nila ni Gengo Kikuchi na isang Japanese qualifier matapos habulin ang malakas na return ng kalaban.
Angat sa unang set ang Japanese player sa 6-1 iskor.
Ipinatingin agad ang injury ni Patrombon at nasabihan na kailangang ipahinga ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
“The doctor evaluated the sprained ankle and he said it will require 2 to 3 weeks of rehab. But the doctor also said it will still depend on how fast the ankle will heel in 2 weeks,” wika ni coach Manny Tecson.
Dahil dito, iniatras na rin si Patrombon sa ikalawa at ikatlong week ng torneo upang maipahinga ang injury.
Ang Davis Cup second round tie ay nakatakda mula Abril 6 hanggang 8 sa Philippine Columbian Association (PCA) clay courts.
Si Patrombon ang number one player ng Pilipinas at inaasahang mangunguna sa koponan na siya niyang ginawa nang umukit ang bansa ng 5-0 panalo laban sa Pacific Oceania.
Ang kompetisyon na ginawa sa Camarines Sur noong Pebrero 10 hanggang 12 ay nakitaan ng pagpanalo ni Patrombon sa dalawang laro upang patunayan na karapat-dapat siya na maging number one player ng team.
Mahalaga ang tie laban sa Pakistan dahil ang mananalo ay aabante sa Finals laban sa magwawagi sa pagitan ng Indonesia at Thailand.
Ang mananalo sa finals ay uusad sa Group I sa 2013.
Liyamado ang Pilipinas sa katunggali dahil sa 4-1 karta at ang huling tagisan na nangyari noong 2009 sa PCA courts at angat ang bansa sa 3-2 iskor.
Bagamat dikit ang final iskor, agad na lumayo sa 3-0 ang pambansang koponan na ibinabandera pa noon ni Cecil Mamiit.
Si Mamiit ay hindi na pinaglaro sa Pacific Oceania dahil ginawa na siya bilang non-playing team captain.
- Latest
- Trending