Bakers inilusot ni Knuttel; Pua sinuspindi na pinagmulta pa
MANILA, Philippines - Bumulusok ang laro ng Café France sa bagitong Erase Plantcenta sa huling yugto tungo sa 74-57 dominasyon sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang bagong hugot na si Jens Knuttel ay may 12 puntos at kalahati rito ay ibinagsak nang pakawalan ng Bakers ang 21-7 run upang makalayo mula sa 53-50 iskor.
“Mga bata ang mga players ko at walang star players pero puno sila ng energy kung maglaro,” masayang pahayag ni Bakers coach Edgar Macaraya.
Si Mark Guillen ay naghatid din ng 12 puntos habang 11 pa ang ibinigay ni Josan Nimes at si Ramon Mabayo ay may 15 rebounds para sa Café France na kasalo ngayon ng nagdedepensang NLEX at Blackwater Sports.
Kontrolado ng Erasers ang rebounding, 58-47, pero ininda nila ang mahinang 4 of 20 shooting sa huling yugto para mabigo sa asam na magarang salang sa liga.
Samantala, pinatawan ng Commissioner’s office ng tatlong larong suspension at multang P50,000 ang bagitong coach ng Cagayan Rising Suns na si Alvin Pua dahil sa panununtok kay referee Jessie Jarabejo noong Lunes sa isang tune-up game laban sa National University Bulldogs sa NU Gym.
Binalaan din ni Commissioner Chito Salud si Pua na kung mauulit ito sa isang official game, tuluyan siyang mapapatalsik sa liga.
- Latest
- Trending