MANILA, Philippines - Bagamat sinabi niyang hindi nila itinataas ang anumang ekspektasyon sa Philippine Azkals, aminado naman si coach Hans Michael Weiss na hindi kontento ang kanyang bataan na maging isang semifinalist lamang sa idinadaos na 2012 AFC Challenge Cup.
“We are very happy to reach semis because not many people had thought that we could reach semis. We are here to make our country proud and we will try our best to reach final,” wika ni Weiss.
Sa ganap na alas-4:30 ng hapon sa Dasarath Rangasala Stadium sa Kathmandu, Nepal ay tatangkain ng naunang dehadong Azkals na makapasok sa finals sa pagbangga sa Turkmenistan.
Ang mananalo sa bakbakang ito ang siyang makakaharap sa finals ng magwawagi sa pagitan ng nagdedepensang North Korea laban sa Palestine sa isa pang semis match.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtutuos ang Pilipinas at Turkmenistan at ang unang labanan ay nangyari sa 2009 AFC Challenge Cup qualifiers at ang huli ay nanalo sa 5-0 iskor.
Kinilala ng katungga-ling coach na si Yazguly Hojageldiyev na malaki ang ipinagbago ng bansa sa football pero kumbinsido siya na ang kanyang mas may karanasan na bataan ang mangingibabaw sa laro.
“I have seen all the matches that Philippine players in this championship. We respect our opponents but we are ready to play and we will win the match,” wika ni Yazguly.
Pilay ang Pambansang koponan sa mahalagang laban dahil hindi nila magagamit sina Angel Guirado at James Younghusband na suspindido sa larong ito matapos bigyan ng kanilang ikalawang yellow card sa torneo sa laban kontra Tajikistan na kanilang tinalo, 2-1, noong Martes.
Sa positibong aspeto na lamang tinitingnan ni Weiss ang pangyayari upang hindi masira ang morale ng kanyang inspiradong manlalaro.
Si Phil Younghusband na inangkin ang tatlo sa apat na goals ng Pilipinas sa torneo, ang mangunguna sa pag-atake habang ang matibay na depensa na nakatuon sa mahusay na goalie na si Neil Etheridge ang isa pang susi para mahigitan ang pinakamataas na pagtatapos ng Pilipinas sa ikalawang lahok sa Challenge Cup.