16 Pinoy boxers maagang magpapakundisyon para sa asam na tiket sa London Olympics
MANILA, Philippines - Upang magamayan ang malamig na klima sa Astana, Kazakhstan ay tutulak ang national men’s boxing team ng mas maaga patungo sa nasabing bansa na siyang tatayong punong abala sa Asian Olympic Qualifying tournament.
Ito na ang huling London Olympic qualifier na itinakda mula Abril 4 hanggang 13 pero ang Nationals ay darating sa Marso 24 para sa acclimatization dahil ang klima rito ay nasa 15 degress below zero.
Habang nasa Astana, sisikapin din ng koponan na makipagsanay sa Kazakhstan’s boxing team bukod pa sa ibang delegasyon na maagang darating sa lugar.
Todo-todo ang pagsasanay na ginagawa ng men’s at women’s national team upang madagdagan ang boksingero ng bansa na lalahok sa London Games.
Si light flyweight Mark Anthony Barriga pa lamang ang nakatiyak ng puwesto matapos makasama sa mga pinalad sa idinaos na 2011 World Amateur Boxing Championships sa Baku, Ajerbaijan.
Nasa Thailand ngayon ang Pambansang koponan at nagsasagawa ng sparring sessions sa Thai boxers sa National Sports Training Center sa Muaklek na 150-kilometro north ng Bangkok.
“Sa ngayon ay maganda ang ipinakikita nina World Series of Boxing Charly Suarez, Asian Games gold medalist Rey Saludar at 2011 SEA Games gold medalist Dennis Galvan. Pero may pitong iba pang nagsasanay rito at hindi mo masasabi kung sino sa kanila ang puwede pang umangat sa ensayo,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Sina Josie Gabuco, Nesthy Petecio at Alice Kate Aparri ang nangunguna sa women’s team na naghahanda naman para sa World Women’s Championships na siyang qualifying event sa London sa Mayo sa Qinhuangdao, China.
- Latest
- Trending