Beermen nilasing ang Slingers
MANILA, Philippines - Pinag-init ni Dalron Johnson ang nanlalamig na opensa ng San Miguel Beermen sa ikatlong yugto upang tuluyang iwanan ang Singapore Slingers sa 75-65, sa 3rd ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tumapos si Johnson taglay ang nangungunang 17 puntos at ang kanyang pitong sunod na puntos sa pagbubukas ng ikatlong yugto ang nagpalayo sa koponan sa 40-30, matapos makapanakot ang Slingers sa halftime sa 28-31.
Si Jarrid Famous na naupo sa bench sa first period dala ng dalawang maagang fouls ay nagbuhos ng 10 sa kanyang 17 puntos na ginawa sa laro sa huling yugto upang ma-outplay ang nakatapat na si 6’11 Donald Little.
Ang dating import ng Philippine Patriots ay tumapos taglay ang 18 puntos pero bokya ito sa huling yugto.
“We’re beginning to gel the way we want to, we’re playing better now and the chemistry has been improving game after game,” ani San Miguel coach Bobby Parks, Sr.
Nagkaroon ito ng 7 turnovers upang masayang ang 8 rebounds sa laro.
Si Louis Graham ang nanguna sa Slingers sa kanyang 25 puntos.
Humugot pa ng pinagsamang 19 puntos mula sa off the bench players na sina RJ Rizada at Junmar Fajardo, ang Beermen ay mayroon ngayong apat na dikit na panalo upang isulong ang karta sa 9-3 baraha.
Agad na nakapagdomina ang Beermen sa first period gamit ang 21-9, ngunit lumapit sila sa second period nang magkaroon lamang ng 10 puntos habang sina Graham at Little ay hindi napigilan para lumapit ang Slingers sa tatlong puntos.
Ang kabiguan ng bisitang koponan ay nagpabagsak sa Slingers sa 4-8 baraha.
San Miguel Beermen 75- Johnson 19, Famous 17, Rizada 11, Avenido 9, Fajardo 8, Fernandez 3, Yap 2, Ferriols 2
Jobstreet.com Singapore Slingers 65- Graham 25, Little 18, Wong 13, Canta 4, Oh 2, Lim 0, Khoo 0.
Quarterscores: 21-9; 31-28; 52-41; 75-65.
- Latest
- Trending