Sonsona, Saludar pipiliting manalo
MANILA, Philippines - Isang dating world boxing champion at isang papausbong na boxing star mula sa Panabo City ang magpipilit na manalo sa kani-kanilang mga banyagang kalaban sa Sabado sa Lapu-lapu City Hoops Dome sa Cebu City.
Sasagupain ni dating World Boxing Organization (WBO) super flyweight king Marvin Sonsona si Carlos Fulgencio ng Dominican Republic para sa isang non-title, 10-round fight.
Itataya naman ni Froilan Saludar ng Panabo City ang kanyang suot na WBO World Youth flyweight title laban kay Mexican challenger Alejandro Morales.
“Ang problema ko lang ngayon, hindi ko pa masyadong napanood ang mga laban niya,” sabi ng 21-anyos na si Sonsona kay Fulgencio, natalo kay world champion Abner Mares ng Mexico via sixth-round KO noong 2009 sa isang non-title bout.
Kasalukuyang dala ni Sonsona ng General Santos City ang kanyang 15-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs kumpara sa 19-5-1 (12 KOs) ni Fulgencio.
Tinalo ni Sonsona si Jose Lopez via unanimous decision upang angkinin ang WBO super flyweightbelt noong Setyembre 4, 2009 sa Ontario, Canada.
Ngunit bunga ng kapabayaan sa training, nahubaran si Sonsona ng kanyang korona nang hindi makuha ang weight limit na 115 pounds sa kanyang pagdedepensa kontra kay Alejandro Hernandez noong Nobyembre 21, 2009 sa Canada.
Nabigo din si Sonsona kay Wilfredo Vazquez, Jr. via fourth-round KO para sa bakanteng WBO super bantamweight belt noong Pebrero 27, 2010.
Tinalo ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. si Vazquez para angkinin ang naturang WBO super bantamweight crown via unanimous decision noong Pebrero 4, 2012.
Bitbit naman ng 22-anyos na si Saludar ang kanyang 14-0-1 (11 KOs) slate sa kanyang pagdedepensa laban kay Morales (13-1-1, 7 KOs).
- Latest
- Trending