MANILA, Philippines - Hindi nababahala si Azkals coach Hans Michael Weiss sa di paglalaro ng dalawang pambatong manlalaro laban sa Turkmenistan sa 2012 AFC Challenge Cup semifinals bukas (Biyernes) sa Dasarath Rangasala Stadium, Kathmandu, Nepal.
Sina James Younghusband at Angel Guirado na nagbida sa 2-1 panalo ng Pambansang koponan sa Tajikistan sa pagtatapos ng group elimination noong Miyerkules para makaabante ang Pilipinas sa semifinals sa 2-1 karta, ay suspindido sa mahalagang labang ito dahil sa tinamong dalawang yellow card.
Parehong nabigyan ang dalawang Azkals ng yellow card sa laro laban sa North Korea at Tajikistan para sa awtomatikong isang larong suspensyon.
Mahalaga man sila sa koponan, alam ni Weiss na handa ang sinumang huhugutin niya para ipalit sa dalawang ito upang mapanatiling matibay ang laban para sa mas makasaysayang pagtatapos sa Challenge Cup.
“I only hope that the players that are called into replace them will take the chance to step up,” wika ni Weiss.
Hindi pa man tapos ang kampanya ay pasado na sa German mentor ang ipinakikitang laban ng kanyang koponan na kahit saan tingnan ay kulang sa pagsasanay dahil hindi sila nagkakasama-sama sa mahabang panahon.
“We don’t play like Barcelona but we play good, disciplined football. I am moved and honored and proud to be coach of this team,”dagdag pa ni Weiss.
Kahit ang ibang manlalaro ay nasasabik na maipakita ang galing sa semifinals laban sa Turkmenistan booters na siyang nanguna sa Group A tangan ang 2-1 baraha.
“So…semis, here we come! And we come to stay, win and go on,”wika ng tweet ni Carli de Murga.
Ang walang kapagurang depensa ang ilalatag uli ng Azkals habang ang opensa ay muling pamumunuan ni Phil Younghusband na may inangkin ang tatlo sa apat na goals na naiskor ng Azkals sa torneo.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakalaro ang Pilipinas sa kompetisyon at ito ang unang pagkakataon na nakapasok sa semis ang panlabang koponan matapos ang maagang pagkakasibak sa group elimination noong 2006.