Katatagan itataya ng Phl Patriots, Beermen

MANILA, Philippines - Ikasiyam na panalo ang balak hagipin ng AirAsia Philippine Patriots at San Miguel Beermen sa pagharap sa kanilang mga laro sa pagpapatuloy nga­yon ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) sa magkahiwalay na lugar.

Kakaharapin ng na­ngu­ngunang Patriots (8-2) ang Saigon Heat sa Tan Binh Stadium sa ganap na alas-7 ng gabi at sisikapin nilang maduplika ang 76-62 panalo sa unang pagtutuos, sa kabila ng ‘di pag­lalaro nina leading scorer import Anthony Johnson at Ardy Larong.

Sisilbihan nina Johnson at Larong ang kanilang one-game suspension dala ng gulo sa laro kontra sa Beermen. Kasama si Erick Rodriguez na suspindido pero hindi na naglaro ang nasabing player sa huling laban kontra sa Indonesia Warriors dahil sa injury sa kamay.

Kailangang magtrabaho nang husto sina Nakiea Miller, Aldrech Ramos, Al Vergara at bagong kuhang Francis Adriano dahil ang Heat ay mayroong 3-game winning streak kasama ang 70-69 panalo sa Westports Malaysia Dragons noong Marso 11.

Kalaban naman ng Beermen ang Singapore Slingers sa Ynares Sports Arena sa Pasig City at iti­nakda ang laban sa alas-4 ng hapon.

Hanap ng bataan ni coach Bobby Ray Parks Sr. ang ikaapat na sunod na panalo na kung maisasa­katuparan na magpapati­bay sa pagkakakapit sa ikalawang puwesto.

Show comments