MANILA, Philippines - Umani uli ng papuri ang mga organizers ng 2012 Le Tour de Filipinas mula kay UCI president Pat McQuaid na nananalig na magiging kapana-panabik ang kalalabasan ng apat na araw na karera mula Abril 14 hanggang 17.
Hindi tumitigil ang organizers na DOS-1 sa pangunguna ni Gary Cayton sa pagtiyak na may bago silang maibibigay sa mga maglalabang siklista at sa taong ito ay babaybayin nila ang rutang hindi pa nadaraanan kahit sa mga naunang edisyon ng Tour.
“This will be the shortest but the most challenging Le Tour de Filipinas,” pagmamalaki ni Cayton na sinamahan ni Air21 president Jerry Jara sa pagbisita sa PSA Forum kahapon.
Ihahandog ngayon ng Air21, ang karera ay magsisimula sa Sta. Ana, Cagayan at magtatapos sa Baguio City at masusukat ang resistensya ng mga kasali dahil sa pagdaan sa tinaguriang Northern Alps na mga bundok na nasa pagitan ng Nueva Vizcaya at Baguio City.
Suportado naman ng Air21 ang karera dahil sa paghahangad na makatuklas ng Filipino cyclist na makakasali sa prestihiyosong Tour de France.
May 11 dayuhang koponan at anim na local teams ang nagpatala na at mangunguna sa mga dayuhan ang mga tinitingala kung Asian cycling ang pag-uusapan na Uzbekistan Suren Team, Asian Racing Team ng Japan at Terengganu Cycling team ng Malaysia.
Ang Smart naman ang pambato sa locals dahil maglalaro rito ang mga kasapi ng national team.