MANILA, Philippines - Masusing binusisi ng NCAA Management Committee ang gulong nangyari sa pagitan ng San Beda men’s basketball team at San Sebastian women’s volleyball team noong Disyembre para magkaroon ng matibay na basehan sa inilabas na kaparusahan.
Ito ang inihayag ni Mancom Chairman Ramon Cercado ng host University of Perpetual Help para pabulaanan na hindi dumaan sa tamang proseso ang isinagawang imbestigasyon na nagresulta sa pagkapataw ng two-year suspension kina Red Lions basketball coach Frankie Lim at Lady Stags volleyball mentor Roger Gorayeb.
Bukod pa ito sa ilang araw na suspension na ibinigay sa mga San Beda players na pumasok at nakisuntok na nagpalala sa sitwasyon.
“We had 35 witnesses whom we interviewed. They showed us evidence like pictures and videos that are all authenticated. Kaya tumagal ang imbestigasyon dahil tiningnan namin ang lahat ng anggulo,” wika ni Cercado na sinamahan ni Jose Rizal University Mancom representative Paul Supan sa PSA Forum sa UN Avenue sa Manila kahapon.
Tinawag ni Lim na malisyoso at hindi makatarungan ang ipinataw sa kanila ni Gorayeb na two-year suspension dahil inalisan na ng NCAA ng karapatang makapaghanap buhay ang dalawang mentor.
Pero ipinaliwanag din ni Cercado na tali ang kanilang mga kamay dahil sa mga batas na kanilang sinusunod sa NCAA.
“We recommended that rules be ammended but until such time, they stay as law. It might be harsh but its still the law. Our hearts bleeds for Frankie and to San Beda but we got a tasked to do and we have to do it. I think we have done superbly on the tasked given to us,” dagdag pa ng Mancom head.
Ang rekomendasyon ng Mancom ay agad na kinatigan ng Policy Board na mga pangulo ng kasaping paaralan na ang karamihan kung hindi lahat ay taong simbahan.
Suportado rin nina Cercado at Supan ang plano ng San Beda na umapela dahil ito ang tamang proseso at tiwala silang aaksyon ng tama ang Policy Board na anila ay mga taong may puso at makatarungan.
Magkakaroon ng turnover ceremony ang liga sa Huwebes at ililipat na ng Perpetual Help ang hosting sa Letran.