Lopez, Cuello lumapit sa world title fight
MANILA, Philippines - Lumapit sina WBC No. 1 superflyweight Silvester Lopez at WBC No. 2 minimumweight Denver Cuello para sa tsansang maging isang Filipino world boxing champion matapos manalo sa kani-kanilang mga laban noong Linggo.
Pinabagsak ng 24-anyos na si Lopez si Yuki Fukumoto ng Japan sa 0:19 ng fourth round sa Flash Grand Ballroom sa Elorde Sports Complex, Sucat, Parañaque, habang pinaluhod ng 25-anyos na si Cuello si Kid Suryana ng Indonesia sa 1:48 ng fourth sa Jaro Plaza Gym, Iloilo City.
Dahil dito, inaasahang makakakuha ng title bid sina Lopez at Cuello.
Tiniyak na ni WBC president Jose Sulaiman kay Lopez ang paglaban nito sa mananalo kina WBC 115-pound titleholder Suriyan Sor Rungvisai ng Thailand at Yota Sato ng Japan sa Marso 27 sa Tokyo.
Makakasama ni Lopez sa panonood sa naturang laban ang kanyang manager na si Gabriel (Bebot) Elorde, Jr.
Laban kay Fukumoto, isang right hook ni Lopez ang nagpabagsak sa Japanese para sa isang mandatory eight-count sa third round bago siya naisalba ng bell.
Pagsapit sa fourth round, kumonekta si Lopez ng isang left-right combination na nagpaluhod kay Fukumoto kasunod ang paghagis ng kanyang cornerman ng puting tuwalya para itigil ang laban.
May 19-3-1 (15 KOs) record ngayon si Lopez.
Anim na sunod na suntok naman ang pinakawalan ni Cuello (30-4-6, 20 KOs), laban kay Suryana para patumbahin ang Indonesian sa fourth round.
- Latest
- Trending