MANILA, Philippines - Nakitaan muli ng magandang laro si Aldrech Ramos, habang produktibo sa unang laro para sa AirAsia Philippine Patriots si Francis Adriano nang pagbidahan ang koponan sa 72-68 panalo laban sa Indonesia Warriors sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) noong Sabado sa The Mahaka Square sa Jakarta, Indonesia.
Naisalpak ni Ramos ang mahalagang tres na nagbigay ng 68-63 kalamangan sa Patriots sa huling 36 segundo.
Bumangon ang Patriots buhat sa 66-68 pagkabigo sa San Miguel Beermen para sa 8-2 baraha nito.
Tumapos si Ramos na may 9 points, habang si Adriano ay may 8 points, 3 rebounds, 1 steal at 1 assist sa kanyang debut sa koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco.
“Hindi gaanong maganda ang inilalaro ni Aldrech sa mga past games namin kaya masaya ako sa kanyang ipinakita,” sabi ni coach Glenn Capacio.
May 24 puntos si Anthony Johnson para sa Patriots laban sa 4-7 marka ng Warriors.