MANILA, Philippines - Ilang kumbinasyon ang pinakawalan ni Miguel Angel ‘Mikey’ Garcia ng Mexico para talunin si dating Filipino two-time world title contender Bernabe Concepcion via seventh-round TKO sa kanilang title eliminator kahapon sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Dalawang beses napabagsak ni Garcia si Concepcion sa round seven bago inihinto ng referee ang laban sa 2:33 nito.
Ito ang pang anim na kabiguan ni Concepcion para sa kanyang 29-6-1 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 15 KOs.
Asam sana ng tubong Virac, Catanduanes na makakuha ng tsansa para sa World Boxing Organization (WBO) featherweight crown.
Dalawang beses nabigo si Concepcion na maisuot ang WBO featherweight belt.
Ito ay nang mapabagsak siya ni Juan Manuel Lopez sa second round noong Hulyo 10, 2010 at na-disqualified naman siya sa kanilang WBO featherweight bout ni American Steven Luevano noong Agosto 15, 2009.
Sa kabiguan ni Concepcion, si Garcia (28-0-0, 24 KOs) ang inaasahang maghahamon kay WBO featherweight champion Orlando Salido.
Muling tinalo ni Salido si Lopez via tenth-round TKO.
Nabigo din ang Filipino boxer na si Allan Tanada (11-1-2, 5 KOs) mula sa isang unanimous decision kay Gamalier Rodriguez (17-2-3, 12 KOs).