Philippine Azkals sinorpresa ang India, 2-0

MANILA, Philippines - Gumana ang laro ni Phil Younghusband, habang nanatiling solido ang de­pensa ng Philippine Azkals upang ma­­kuha ang mahalagang 2-0 panalo sa In­dia na nagpanatiling buhay sa hanga­rin ng bansa na makaabante sa idi­nadaos na 2012 AFC Challenge Cup ka­gabi sa Dashrath Stadium sa Nepal.

Naharap sa ‘must-win’ game matapos ang 0-2 kabiguan sa nagdedepensang North Korea noong Biyernes, na­kitaan ng determinasyon ang Azkals nang hindi bumitiw ang inilatag na de­­­pensa para isantabi ang ilang mga ata­­ke ng katunggaling koponan na no­­­ong 2008 ay nagkampeon sa torneo.

Si Younghusband naman ang nag­bigay ng sakit ng ulo sa depensa ng Indian booters nang umiskor ito sa 10th minute at 73rd minute para ihatid ang Pilipinas sa pagsalo ngayon sa Ta­­jikistan.

Yumukod ang Tajikistan sa North Korea sa unang bakbakan sa 0-2 iskor upang ma­katabla ang Pilipinas sa ikalawang puwesto tangan ang tig-tatlong puntos.

Dahil dito, ang pagtutuos sa pagitan ng dalawang koponan sa pagtatapos ng Group B elimination sa Martes sa ganap na alas-5 ng hapon ang magdedetermina kung sino sa Pilipinas at Tajikistan ang aa­bante sa semifinals.

Ang dalawang goals sa laro ni Young­hus­band ay naglagay sa kanya bilang ikat­long manlalaro sa torneo na nakagawa ni­to kasunod ng mga Koreans na sina Pak Nam Chol at Jang Kuk-Chol.

Ang ikalawang goal ng Fil-Am player ay mula sa magandang pasa ng pamalit na pla­yer na si Misagh Bahadoran patungo kay James Younghusband na nakita ang ka­­patid sa gitna.

Show comments