Philippine Azkals sinorpresa ang India, 2-0
MANILA, Philippines - Gumana ang laro ni Phil Younghusband, habang nanatiling solido ang depensa ng Philippine Azkals upang makuha ang mahalagang 2-0 panalo sa India na nagpanatiling buhay sa hangarin ng bansa na makaabante sa idinadaos na 2012 AFC Challenge Cup kagabi sa Dashrath Stadium sa Nepal.
Naharap sa ‘must-win’ game matapos ang 0-2 kabiguan sa nagdedepensang North Korea noong Biyernes, nakitaan ng determinasyon ang Azkals nang hindi bumitiw ang inilatag na depensa para isantabi ang ilang mga atake ng katunggaling koponan na noong 2008 ay nagkampeon sa torneo.
Si Younghusband naman ang nagbigay ng sakit ng ulo sa depensa ng Indian booters nang umiskor ito sa 10th minute at 73rd minute para ihatid ang Pilipinas sa pagsalo ngayon sa Tajikistan.
Yumukod ang Tajikistan sa North Korea sa unang bakbakan sa 0-2 iskor upang makatabla ang Pilipinas sa ikalawang puwesto tangan ang tig-tatlong puntos.
Dahil dito, ang pagtutuos sa pagitan ng dalawang koponan sa pagtatapos ng Group B elimination sa Martes sa ganap na alas-5 ng hapon ang magdedetermina kung sino sa Pilipinas at Tajikistan ang aabante sa semifinals.
Ang dalawang goals sa laro ni Younghusband ay naglagay sa kanya bilang ikatlong manlalaro sa torneo na nakagawa nito kasunod ng mga Koreans na sina Pak Nam Chol at Jang Kuk-Chol.
Ang ikalawang goal ng Fil-Am player ay mula sa magandang pasa ng pamalit na player na si Misagh Bahadoran patungo kay James Younghusband na nakita ang kapatid sa gitna.
- Latest
- Trending