Beermen nilasing ang Slammers
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang dominasyon ng San Miguel Beermen sa nagdedepensang Chang Thailand Slammers nang kunin ang ikalawang sunod na panalo sa bisa ng 92-77 panalo sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Leo Avenido ang muling bumandera sa Beermen sa kanyang 26 puntos habang pinakamagandang offensive game ang nahila ng koponan kay Jarrid Famos at ang dalawang ito ang nagtambal sa first half upang bigyan agad ang home team ng 51-30 bentahe.
Tig-12 mula sa pinagsamang 10 of 15 shooting ang inihatid nina Avenido at Famous sa first half upang matiyak ang paglagok ng tropa ni coach Bobby Ray Parks Sr. ng ikatlong dikit na panalo at 8-3 kabuuang baraha.
Ang 6’11 na si Famous na dating naglaro sa Meralco Bolts sa PBA ay tumapos taglay ang 18 puntos sa 8 of 14 shooting habang ang katambal na si Dalron Johnson ay may 15 marka sa 6 of 8 shooting.
Si Aries Dimaunahan ay mayroong 9 na puntos at ang magkasunod na tres ang nakatulong para hawakan ng koponan ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 30 puntos, 79-49.
Sinikap ng Slammers na bumangon at ang 18-0 bomba ang nagtapyas sa kalamangan sa 12 puntos, 82-70, pero isinalpak ni Avenido ang kanyang ikalawang tres sa huling yugto habang naghatid pa ng isa si Johnson upang tuluyang tapusin ang laban ng bisitang koponan sa tinanganang 88-72 bentahe may isang minuto sa orasan.
May 29 puntos si Demetrious Proby mula sa 13 of 23 shooting bukod pa sa 9 rebounds habang si Calvin Williams ay naghatid pa ng 18 pero hindi kinaya ng dalawang imports ang team effort na ipinakita ng Beermen para mabigo sa hangaring maipaghiganti ang 59-68 kabiguan na nangyari sa unang pagtutuos.
- Latest
- Trending