MANILA, Philippines - Mataas pa rin ang paniniwala ni Philippine Azkals coach Hans Michael Weiss sa tsansa ng koponan na makaabante sa idinadaos na 2012 AFC Challenge Cup sa Nepal.
“I can see a lot of positives from the match,” wika ni Weiss na ang tinutukoy ay ang 0-2 kabiguan ng Azkals sa kamay ng World Cup veteran at defending champion North Korea noong Biyernes ng gabi.
Tinuran niya ang magandang depensa na nakita sa team na siyang dapat na maulit sa pagharap nila ngayon laban sa India na itinakda sa ganap na alas-7:15 ng gabi sa mas malaking Dashrath Stadium sa Nepal.
Gaya ng Pilipinas, ang India na kampeon noong 2008, ay nangangailangan din ng panalo matapos lasapin ang 0-2 kabiguan sa kamay ng Tajikistan.
“We have to accept the loss. We still have two more matches and we will see what will happen,” ani Indian coach Savio Medeira.
Di hamak na mas beterano ang India kung paglalaro sa Challenge Cup ang pag-uusapan dahil naging kampeon sila noong isinagawa ang torneo sa kanilang lugar.
Pero may laban ang Azkals dahil sa pagbaba rin ng kalidad ng laro ng katunggaling koponan.
Bukod sa katotohanang hindi nakatikim ng panalo ang Indian team sa group elimination noong 2010 na pinagharian ng North Korea, mas mababa rin ng dalawang puwesto ang Indian team sa FIFA rankings kumpara sa Pilipinas na nasa 156.
Ang mananalong koponan ay magkakaroon pa ng pagkakataong makaabante sa crossover semifinals na paglalabanan sa Marso 16 lalo na kung maipanalo pa ang nalalabing asignatura sa Martes.
Huling laro ng Pilipinas ay ang Tajikistan habang ang North Korea ang babanggain ng India.
Ang goalie na si Neil Etheridge kasama sina Phil Younghusband, Angel Guirado at kung nasa mas maayos na kalusugan, Chieffy Caligdong, ang mga mangunguna sa Azkals sa mahalagang laban na ito.
Magsusukatan muna ang Tajikistan at North Korea sa unang laro at ang mananalo ay makakatiyak na ng puwesto sa semifinals.