Garcia naduwag, planong 'prioritization' binawi
MANILA, Philippines - Lumambot ang PSC sa naunang matibay na posisyon hinggil sa pagpapairal ng prioritization sa hanay ng Pambansang atleta.
Nagdesisyon ang pamunuan ng PSC sa pangunguna ni chairman Ricardo Garcia na pansamantalang isantabi ang planong alisin ang mga monthly allowances at iba pang suporta na ibinibigay sa mga atletang hindi nakapagbigay ng medalya sa individual events sa idinaos na 26th SEA Games sa Indonesia.
Sa naunang plano, hanggang Pebrero 29 na lamang makakatanggap ng ayuda ang mga atletang di nakapagbigay ng karangalan at sila ay paaalisin na rin sa kanilang mga quarters mula Marso 1.
Nagpulong noong Huwebes sina Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. at dito ay napahinahon ng huli ang una upang bawiin pansamantala ang plano.
May nagsasabi ring ikinakasa na ng mga naapektuhang atleta at mga National Sports Association (NSAs) ang protesta at dudulog sila sa Malacañang lalo pa’t ikinakatuwiran ng PSC na si Pangulong Benigno Aquino III ang may nais na magbawas ng sinusuportahan ang ahensyang nangangalinga sa sports ng bansa at ituon ito sa mga sports na may kakayahang manalo sa malakihang kompetisyon sa labas ng bansa.
Sa kasalukuyan ay nirerebisa pa ng PSC ang mga isinumiteng pangalan ng atleta mula sa mga NSAs at mga ginagawang apela kaya’t minarapat ng Komisyon na huwag munang itodo ang prioritization.
Maliban sa pagsuporta lamang sa mga manlalarong manalo sa individual events, may sampung sports na sa kanilang palagay ay mananalo sa Asian at World Championships bukod sa Olympics ang kanilang pinangalanan na bibigyan ng mas malaking ayuda kumpara sa ibang NSAs.
- Latest
- Trending