Patriots sinibak si Bates
MANILA, Philippines - Sinipa na ng AirAsia Philippine Patriots ang kanilang skills coach na si Billy Ray Bates.
Ayon kay team manager Erick Arejola, hindi na matanggap ng pamunuan ng Patriots ang madalas na pagliban nito sa practices at ang paggalaw na nakakasira sa imahe ng koponan kaya’t tinapos na ang magandang samahan na nagsimula noong Oktubre 15.
“We’re sincere to help him but he’s misbehaving of late,” wika ni Arejola.
“I have warned him before but he missed several of our practices and made acts detrimental to the image of the team. We have no other options but to sever our ties with him,” dagdag ni Arejola
Nawalan man ng isang tao, may bagong mukha naman ang papasok sa Patriots na susuong sa mabigat na tatlong sunod na road games mula sa Sabado.
Si Francis Adriano ay hinugot ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco para palakasin pa ang kanilang manpower.
Kilala si Adriano na isang scorer bukod pa sa husay nito sa depensa no-ong naglaro siya sa Brunei Barracudas at Satria Muda BritAma sa naunang dalawang ABL seasons.
“Malaki ang kanyang maitutulong dahil mas lu-malim pa ang bench ko ngayon,” wika ni coach Glenn Capacio.
Ang Patriots na lumasap ng 66-68 kabiguan sa kamay ng San Miguel Beermen noong nakaraang Linggo ay tutungo sa The Makada Square upang harapin ang Indonesia Warriors sa Sabado.
Sunod nilang laro ay laban sa Saigon Heat sa Miyerkules bago ang mas mainit na tunggalian kontra sa Westports Malaysia Dragons sa Marso 17 sa MABA Gym sa Kuala Lumpur, Malaysia.
May 7-2 karta ngayon ang Patriots at kasalo nila sa unang puwesto ang Dragons.
Makakalaro pa sina Anthony Johnson, Erick Rodriguez at Ardy Larong laban sa Warriors dahil ang kanilang one-game suspension bunga ng nangyaring suntukan sa laban kontra Beermen ay seserbisyuhan nila sa laro kontra Saigon.
- Latest
- Trending