PFF-Suzuki Cup U-23 hahataw sa Dumaguete
MANILA, Philippines - Hahataw na sa Marso 18 sa Dumaguete City ang aksyon sa ikalawang PFF-Suzuki Cup National Men’s Under-23 Championship.
Ang kompetisyon ay lalahukan ng 33 provincial football associations na sakop ng PFF at layunin ng palarong tatagal ng isang taon ang bigyan ng pagkakataon ang mga batang booters na maipakita ang kanilang angking husay bukod sa paggamit ng NSA na makapili ng manlalarong maaaring ilaban sa 2013 SEA Games sa Myanmar.
“Nagpapasalamat kami sa Suzuki Philippines dahil patuloy nilang sinusuportahan ang torneong ito na mahalaga sa grassroots program ng PFF,” wika ng pangulo ng NSA na si Mariano “Nonong” Araneta.
Nagkasara ang pagtutulungan sa ikalawang pagkakataon nang lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang PFF ni Araneta at ni Satoshi Uchida na siyang pangulo ng Suzuki Philippines kahapon sa PFF office.
Lumabas na kampeon noong nakaraang taon na ang labanan ay tumagal lamang ng tatlong buwan, ang Negros Occidental at si Joshua Beloya ang isa sa mga nadiskubre sa torneo na naglaro sa 26th SEAG sa Indonesia at lumabas bilang top scorer sa kanyang inangking tatlong goals.
Nananalig ang PFF at Suzuki Philippines na maraming Beloya ang matutuklasan sa taong ito dahil sa dami ng kalahok at mas matagal na aksyon sa liga.
Tig-dalawang koponan mula Luzon, Visayas at Mindanao ang maglalaban-laban sa National Finals na katatampukan pa rin ng home and away games mula sa semifinals hanggang finals.
- Latest
- Trending