TAGBILARAN, Bohol, Philippines - Inangkin ng Team General Santos ang dalawa sa tatlong gold medals na nakalatag sa 2012 PLDT-ABAP National Boxing Amateur Championship dito sa Cogon gym.
Dinomina ng magkapatid na Jake at Jade Bornea ang kanilang mga kalaban para tabunan ang 9-12 kabiguan ng kanilang kakamping si Regel Lou Alde kay Junrel Jimenez ng Cebu sa 46-kilogram junior boys pinweight division.
Tinalo ni Jake si Bryan Remedio ng Mandaue, 14-4, habang giniba ni Jade si Davao del Norte bet Charnie Jun Magsayo, 21-10, sa 50kg boys flyweight category sa final round.
Kinuha ni Jake ang 5-3 lamang laban kay Remedio sa first round patungo sa kanyang 10-3 abante sa second round.
Bago makarating sa finals, binigo muna ni Jake si Samboy Lao ng Misamis Oriental, 21-9, sa 48-kilogram junior boys light flyweight class, at pinayukod ni Jade si MisOr bet Klemen Earl Cabahit, 11-10, sa 50kg boys flyweight category.
Pumasok naman sa finals si Jimenez nang talunin si Cabadbaran pride Jilnar Libranza, 9-7, sa 46kg junior boys pinweight.
Natikman ng Misamis Oriental, may 12 boxers sa gold medal round, ang kanilang unang ginto nang talunin ni Julito Sumalinog si Davao del Norte bet Philip Jay Verador, 12-8, sa 52kg junior boys light bantamweight category.