MANILA, Philippines - Inuulan ngayon ng panawagan ng mga kapanalig ng San Beda na ituloy na ang planong lisanin ng koponan ang NCAA.
Dinadagsa ng mga ganitong komento ang isang social networking site ng San Beda matapos patawan ng mga suspensyon ang kasapi ng men’s basketball team dahil sa riot na kinasangkutan nila laban sa San Sebastian women’s volleyball team.
Ang champion coach na si Frankie Lim ay pinatawan ng dalawang taong suspensyon ng NCAA Management Committee matapos itong makipagmurahan kay Lady Stags mentor Roger Gorayeb na nauwi sa pambubugbog.
Maging si Gorayeb na naunang nakipagmurahan kay Lim ay binigyan din ng dalawang taong suspensyon.
“Get out of the NCAA and go to the UAAP! Let us see the downfall of the NCAA without SBC. The only credible there now is San Beda. Now if San Beda is out then NCAA is done!” isa sa mainit na komento ng panatiko ng Lions.
Kahit si Lim ay naniniwalang may malisya sa inilabas na desisyon.
“The sanctions are malicious and ridiculous. My impression is that they’re showing SBC the door,” wika ni Lim.
Tiniyak naman ni San Beda management committee Jose Mari Lacson na iaapela nila ang nasabing desisyon.
Bukod kay Lim, suspindido ng tig-isang laro ang mga basketbolistang sina Kyle Pascual, Jake Pascual, Jaypee Mendoza, Rome dela Rosa, Jose Carmelo Lim, Sundan Daniel, Mar Villahermosa, Baser Amer at Antonio Caram dahil sa pagpasok sa court at nakisama sa kaguluhan.
Ang nagre-residency na Nigerian center na si Olaide Adeogun at Julius Armon ay hindi rin pinahihintulutan na makapanood ng laro sa 88th season dahil ang mga ito ay ikinokonsidera bilang supporters ng paaralan dahil hindi pa opisyal na kasapi ng Lions.
Si Ed Cordero na assistant coach ni Lim ay suspendido rin ng isang laro habang ang mga graduate na sa team na sina Dave Marcelo at Garvo Lanete ay binigyan din ng tatlo at isang larong suspensyon dahil sa pagsali sa kaguluhan.
Kahit ang San Sebastian ay hindi masaya sa desisyon ay naghahanda rin ng kanilang liham ng pag-apela lalo pa’t si Gorayeb ang nabugbog sa pangyayari.