Bornea brothers bumandera sa GenSan para sa gold medal bout
TAGBILARAN, BOHOL, Philippines - Umiskor ang magkapatid na Bornea--Jake at Jade ng General Santos, ng impresibong panalo nitong Martes upang pamunuan ang kampanya ng dating Dadiangas province sa gold medal bouts sa semifinals ng PLDT-ABAP National Amateur Boxing Championship sa Cogon gym dito.
Binugbog ni Jake si Samboy Lao ng Misamis Oriental, 21-9 sa 48-kilogram junior boys lightweight class, habang umatake naman si Jade sa huling segundo ng labanan upang maungusan si MisOr bet Kiemen Earl Cabahit, 11-10 sa 50kg boys flyweight category.
Ang panalo ay nagtiyak sa kanila ng silver medal.
Sa iba pang silver medal bout, limang boksingero mula General Santos City ang nagwagi upang makapagparamdam sa ikalawang araw ng torneo.
Tinalo ni Regel Lou Alde si Jayson Becong ng Maasin, 13-7, si Alexcel Dar Gantes ay nanalo kay Marianne de Luna ng Bago City, 18-11, sa 46 kg jr. girls pinweight at Ronnie Tanallon ay humirit ng RSC 1st round panalo kontra kay Asher Bada ng Datu Puti sa 49kg. elite light flyweight class.
Humataw ang apat na boksingero mula Cebu City at kalapit na lugar na siyudad na Mandaue habang ang Davao del Norte ay nagpasok ng dalawa upang samahan ang tatlong boksingero na naunang nagpasikat sa unang araw ng torneo sa Carmen.
May 15 iba pang koponan mula sa mga probinsya, siyudad at munisipalidad na kasali sa apat na araw na torneo na handog ng PLDT at inorganisa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ang nagpasok ng tig-isang boksingero.
Kasama na sa humabol ay ang mga lahok ng Tagbilaran A at B teams upang manatilng palaban ang host sa asam na medalya sa grassroots tournament ng ABAP.
- Latest
- Trending