MANILA, Philippines - Kasabay ng pagpaparada sa bagong import na si Donnell Harvey, pupuntiryahin ng Tropang Texters ang kanilang pang apat na sunod na panalo para patuloy na pangunahan ang elimination round ng 2012 PBA Commissioner's Cup.
Ibabandera ng nagdedepensang Talk 'N Text ang 6-foot-10 na si Harvey, itatapat kay Marcus Douthit ng Air21 ngayong alas-5:15 ng hapon sa PBA Commisisoner’s Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Nakita si Harvey sa NBA para sa mga koponan ng New Jersey Nets, Denver Nuggets, Dallas Mavericks, Orlando Magic at Phoenix Suns. Siya ay hinirang ng New York Knicks bilang 22nd overall pick sa 2000 NBA Draft bago siya dinala sa Mavericks kasama si John Wallace kapalit nina Erick Strickland at Pete Mickeal.
Ang 32-anyos na si Harvey ay naglaro din para sa Banvitspor sa Turkey, para sa Carolina Giants sa Puerto Rico at para sa Bosnian club KK Igokea. At sa 2011-12 (Chinese Basketball Association (CBA) season, kumampanya si Harvey para sa Tianjin Ronggang.
Bitbit ng Talk ‘N Text ang malinis na 3-0 rekord kasunod ang Barangay Ginebra (3-1), Alaska (3-2), B-Meg (3-2), Petron Blaze (3-2), Powerade (2-2), Barako Bull (2-3), Air21 (1-2), Rain or Shine (1-4) at Meralco (1-4).
Sa kabila ng kawalan ng import, nanaig pa din ang Tropang Texters kontra sa Llamados, 102-96, noong Pebrero 29.
Sa alas-7:30 ng gabi ay magsasalpukan naman ang Gin Kings at Bolts kung saan target ng Ginebra ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Nanggaling ang Gin Kings sa 105-96 panalo laban sa Tigers noong Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City kung saan humakot ang bagong hugot na si Jackson Vroman ng 19 points, 12 rebounds, 5 blocked shots, 4 assists at 3 steals.
“We always look for ways to improve 'yung team namin,” sabi ni Ginebra coach Siot Tanquingcen.