TAGBILARAN, Bohol ,Philippines --Tatlong panalo ang kinuha ng Davao del Norte, Cebu, Mandaue at Misamis Oriental sa 2012 PLDT-ABAP National Amateur Boxing Championship.
Tinalo ni Adlawan bet Robert Paradero si Marvin Lulu, 16-8; binigo ni GenSan pride Regel Lou Alde si Jayson Becong ng Maasin, Leyte, 13-7; at pinayukod ni Junrel Jimenez ng Cebu City si Davao del Norte entry Rabicycle Gabriel, 13-5, sa 46 kgs boys pinweight class.
Giniba naman ni Remark Casas ng MisOr si Jojo Bulanon, 20-6, ng Negros sa 49 kgs boys light flyweight; dinaig ni Jaybie Haya si Jeffrey Bagacay via RSCI sa third round sa 52 kgs boys flyweight; at sinibak ni Juniel Lacar si Ronie Calimutan, 23-10, ng Tagbilaran sa 49 kgs elite light flyweight.
Dinomina ni Rabicyle Gabriel ng Davao si Hipolito Banal, 9-5, sa 46 kgs boys pinweight; binigo ni Joey Canoy si Rafael Sueno, 29-12, ng Negros sa 49 kgs elite lightweight; at pinatalsik ni Jolan Bunghanoy si Roben Dingcong, 23-5, ng Negros sa 52 kgs elite flyweight.
Itinaas ni Vryant Remedio ang kampanya ng Mandaue matapos silatin si Jessie Diaz ng Tayabas, mula sa 5-5 sa 48 kgs boys light flyweight; pinigil naman ni Kevin Jake Cataraga si Vergel Deguma ng Gen. Santos sa second round sa 52 kgs boys flyweight at ginapi ni Dannlou Codilla ang pambato ng MisOr na si Nike Jun Guinaadman, 12-5 sa 52 kgs elite flyweight.
Sa exhibition matches naman ng RP women’s team at Sri Lanka, winalis nina Nesthy Petecio, Josephine Gabuco, Janice Vallares at Ricalene Aquino ang kanilang mga kalaban.
Nakasingit naman ng panalo ang Sri Lanka mula sa pananaig ni Nilmini Nayasing kay Janice Vallares, 19-7, habang ginitla ni Shiromali Weerarathna si dating muaythai athlete Ricalene Aquino, 18-3.
Umiskor si Aparri ng 16-7 panalo laban kay Kosala Nimini at naglista naman si Petecio ng 17-5 panalo laban kay Sithari Sadareka upang ibigay sa Pilipinas ang 6-2 panalo.
Isasara ng RP women’s team ang kanilang preparasyon sa paglahok sa Bangkok bukas bago tumulak sa Mongolia para sa Asian Championship na magsisimula sa Marso 9.