Kayang-kaya pa ni Nepomuceno
MANILA, Philippines - Sa edad na 55, patuloy pa rin ang paghakot ng karangalan ni 6-time world bowling champion Paeng Nepomuceno.
Ipinakita ni Nepomuceno na kaya pa rin niyang makipagsabayan sa mga tinitingala sa sport sa ngayon nang talunin ang dating world champion at Asian Games gold medalist Biboy Rivera, 255-211 at 226-208, para kunin ang 1st ABC-Boysen Open title na pinaglabanan noong Linggo sa E-Lanes Bowling Center sa Greenhills, San Juan City.
Pumangalawa si Nepomuceno sa Masters elimination tangan ang 241 average, na kinatampukan ng perfect game (300) sa 12-games.
Si Rivera ang nanguna sa 243 habang ang SEAG singles gold medalist na si Frederick Ong ang pumangatlo sa 232.
Naunang naglaban sina Nepomuceno at Ong sa one-game stepladder na pinagwagian ng una, 226-223, para makatapat si Rivera sa championship.
“It feels good to be able to keep with the bowlers much younger than me,” wika ni Nepomuceno.
Ito na ang ika-124th Masters title ni Nepomuceno sa 49 taong paglalaro ng bowling, bagay na maaring hindi na mabura sa loob ng mahabang taon.
- Latest
- Trending