MANILA, Philippines - Hindi ito dapat palampasin.
Sa mga linyang ito, hinamon ni Senadora Pia Cayetano ang mga matataas na sports officials ng bansa na imbestigahan ang sexual harassment na isinampa ni Cristy Ramos laban sa mga Azkals na sina Lexton Moy at Angel Guirado na nangyari bago ang international friendly match sa pagitan ng Pambansang koponan at Malaysian Tigers noong Pebrero 29.
“Sexual harassment should not go unpunished,” wika ng Senadora sa kanyang opisyal na pahayag.
Si Ramos, na anak ng dating Pangulong Fidel V. Ramos at naupo rin bilang POC president, ay nagreklamo sa Asian Football Confederation laban kina Moy at Guirado matapos bastusin habang nagsagawa ng inspeksyon sa dugout sa Rizal Memorial Football Pitch.
Isa na ngayong opisyal ng AFC at FIFA, inakusahan ni Ramos si Moy na nagparinig patungkol sa size ng kanyang bra habang si Guirado ay humarap ng naka-brief lamang.
Nababahala rin si Cayetano sa inasta ng ibang kakampi ng inirereklamong manlalaro nang sabihin ni Ramos na nagtawanan ang mga ito sa ginawa nina Moy at Guirado.
“I am bothered by the revelation made in Ramos’ account that their teammates were even laughing as the two accused were making fun of her and that no one made any effort to stop their (Moy and Guirado) offending acts and remarks,” dagdag ng Senadora.
“I call for the immediate investigation of this incident so this can be put to rest, not only because this is a serious allegation made by Match Commissioner Cristy Ramos, who is a sports official, but also because the Azkals are looked up to by the youth as modern-day heroes and role models,” ani pa ni Cayetano.
Maliban sa AFC, nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Philippine Football Federation (PFF) at si team manager Dan Palami para alamin ang tunay na nangyari.