Bryant nagbida
LOS ANGELES--Tumipa si Kobe Bryant ng 33 points para tulungan ang Los Angeles Lakers sa 93-83 paggupo sa Miami Heat at laban kay Dwyane Wade na bumasag sa kanyang ilong sa nakaraang All-Star game noong isang linggo.
“He knew I was going to be ready regardless,” sabi ni Bryant kay Wade.
Ito ang pangatlong sunod na 30-point game ni Bryant suot ang kanyang clear protective mask para sa kanyang nabasag na ilong, samantalang umiskor naman si Wade ng 16 points bago na-fouled out sa fourth quarter.
Nagdagdag naman si Metta World Peace ng 17 points kasabay ng pangunguna sa depensa ng Lakers, nakamit ang kanilang pang 17 panalo sa kanilang huling 18 home games.
Humakot si Andrew Bynum ng 16 points at 13 rebounds para sa Los Angeles na dinomina ang Miami sa huling 44 minuto.
“We did extremely well,” wika ni Bryant, may 24 points sa kabiguan ng Lakers sa Heat anim na linggo na ang nakararaan.
Humugot si Bryant ng 18 points sa first quarter para sa kalamangan ng Lakers sa first half katuwang sina Bynum, World Peace at Pau Gasol, nagtumpok ng pinagsamang 44 points at 30 rebounds.
Hindi pa din naglalaro para sa Heat si Chris Bosh.
Bagamat binuska ng Staples Center crowd sa pregame introductions, nauna nang humingi ng tawad si Wade kay Bryant matapos ang All-Star.
Sinabi naman ni Bryant na walang masamang intensyon sa kanya si Wade.
“I got hit in the face a couple of times tonight, and it hurt even with the mask,” wika ni Bryant.
Nagtala si LeBron James ng 25 points, 13 rebounds at 7 assists para sa Heat, nabigo sa ikalawang pagkakataon sa kanilang three-game trip.
Nag-ambag si Mario Chalmers ng 15 points para sa Heat, naglaro sa ikatlong sunod na pagkakataon na wala si Bosh matapos dumalo ang All-Star forward sa libing ng kanyang lola noong Linggo.
- Latest
- Trending