MANILA, Philippines - Nakitaan ng katatagan ang 2012 World 8-ball champion na si Chang Jung-lin ng Chinese Taipei upang angkinin ang 9-7 panalo laban kay Lee Van Corteza ng Pilipinas sa idinaos na Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face-Off Series noong Sabado ng gabi sa Pagcor Airport Casino sa Parañaque City.
Kinailangang dumiskarte nang husto si Chang dahil naunang hinawakan ni Corteza ang 3-2 kalamangan sa race to 9, 10-ball, winner’s break format na torneo na handog ng Mega Sports World at BRKHRD Corp.
Isang pagkakamali ni Corteza ang agad na kinapitalisa ni Chang dahilan upang mapanalunan ang sumunod na tatlong racks tungos a 5-3 kalamangan.
Hindi na nakabawi pa ang Filipino ace para ibigay din ni Chang ang 2-1 kalamangan sa Asian team laban sa Philippine team.
Ang panalo ay naggawad din kay Chang ng $5,000 pero hindi ang premyo kundi ang manalo laban sa tulad niyang tinitingala sa international play ang mas mahalaga.
May ayuda ng Malungai Life Oil, Hermes Sports Bar, Golden Leaf Restaurant, Bugsy Promotions, Mandarin Sky Sea Foods Restaurant, Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at The Philippine Star bilang official media partner, ang aksyon ay magbabalik sa Marso 10 at magkikita sina Dennis Orcollo at Chang.