MANILA, Philippines - Nagposte si Filipino amateur boxing standout Charly Suarez ng mala-king panalo sa quarterfinal round ng World Series of Boxing.
Tinalo ni Suarez si World No. 4 Semen Gribachev ng Azerbaijan, 3-0, ng tropa ng Baku Fires para sa koponan ng Mumbai Fighters ng India, isa sa 12 international franchises sa ligang inorganisa ng International Boxing Association (AIBA), ang international federation para sa amateur boxing.
Ginitla ng 23-anyos na Davaoeño power-puncher ang Azeri fighter mula sa kanyang mga matutulis na jabs at kombinasyon.
Nagpilit namang bumalik ang 27-anyos na Azeri veteran sa third round ngunit sa huli ay lumitaw ang dominasyon sa kanya ni Suarez.
Ang panalo ni Suarez ang nagbigay sa Mumbai Fighters ng 3-2 tagumpay laban sa Baku Fires.
Sinabi ni Nitin Beri, ang vice-president ng Mumbai Fighters, sa Amateur Boxing Association of the Philippines na kaagad silang gagawa ng panibagong kontrata para mapasamang muli si Suarez sa line-up ng Mumbai Fighters sa susunod na taon.