Patriots nakatikim uli sa Beermen
MANILA, Philippines - Diniskaril ng San Miguel Beermen ang asam na franchise best na pitong sunod na panalo sa AirAsia Philippine Patriots nang angkinin ang 68-66 panalo sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Naghatid ng 17 puntos si Leo Avenido at nakipagtulungan siya kina Froilan Baguion at Dalron Johnson sa huling 1:16 ng labanan para makahulagpos ang Beermen mula sa huling tabla sa 63-all.
Ibinigay ni Avenido ang kalamangan sa dalawang free throws at sunod nito ay hiniritang na error si Reed Juntilla.
Si Baguion ay gumawa ng split sa 15-footline at minalas ang Patriots ng magtala ng isa pang error dahil napalakas ang pasa ni Ardy Larong para kay Reed Juntilla.
Tinapos ni Johnson ang iskoring sa dalawa pang freethrows na nagbalewala sa tres mula kay Al Vergara.
Ito ang ikalawang panalo ng Beermen sa Patriots sa season at muntik ng mauwi ito sa riot nang magsapakan sina Anthony Johnson at Aries Dimaunahan may 1:16 sa ikatlong yugto.
Sinakal ni Johnson si Dimaunahan matapos siyang hatawin habang nasa ere at gumanti si Dimaunahan ng suntok. Nagsuguran ang mga manlalaro ng magkabilang kampo pero naawat din para hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Napatalsik naman sa laro sina Johnson at Dimaunahan at naramdaman ng Patriots ang pagkawala ng 6’6 import sa endgame.
“I knew it’s going to be a tough match but I didn’t know it will go as far as both benches almost clearing,”wika ni San Miguel coach Bobby Parks na umangat sa 7-3 karta.
Si Johnson ay tumapos taglay ang 14 puntos habang si Jarrid Famous ay may 13 puntos.
- Latest
- Trending