MANILA, Philippines - Ipinakita ng AMA Computer College ang kanilang husay sa paglalaro ng volleyball nang walisin ang 11th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) men’s at women’s titles na pinaglabanan sa University of Manila gym.
Sa pangunguna nina RJ Francisco, Leo Balmeo at Ryan Clarin, ang Titans ay umukit ng 25-23, 25-18, 21-25, 25-22, panalo sa Centro Escolar University para magkampeon sa kalalakihan.
Si Francisco ang hinirang bilang MVP ng season habang sina Balmeo at Clarin ang lumabas bilang Best Attacker at Setter.
Ang mga kakamping sina Ace Mollieda ang tumanggap sa Best Reciever award habang ang mentor na si Jose Mari Anulo ang Coach of the Year.
Si Jun Dela Cruz ng CEU ang nanalo bilang Best Blocker habang si John Acosta ng St. Clare ang Best Server.
Kinumpleto ng Lady Titans ang pagdodomina sa CEU nang iuwi ang 25-19, 25-21, 17-25, 25-23, panalo sa women’s division.
Si Joyce Chu ang nanalo bilang MVP at Best Attacker habang ang kakamping si Aiko Mago ang Best Receiver. Ang kanilang coach na si Albert Nepomuceno ang siyang Coach of the Year sa kababaihan.
Ang mga manlalaro ng Lady Scorpions na sina Precious Uy, Llyn Nacario at Melissa Tebangin ang naging Best Attacker, Best Blocker at Best Libero ayon sa pagkakasunod.
Inangkin naman ng New Era University ang ikatlong puwesto sa kababaihan nang manaig sa Informatics International College, 25-23, 25-23, 25-22 habang ang St. Clare ang pumangatlo sa kalalakihan sa naitalang 27-25, 25-22, 25-16, tagumpay laban sa NEU.