King James sinayang ang pagkakataon

SALT LAKE CITY--Napasakamay ni LeBron James ang tsansang ihatid ang Miami Heat sa panalo.

Ngunit ibinigay niya ito kay Udonis Haslem.

Naimintis ni Haslem ang kanyang jumper bago ang pagtunog ng final buzzer na nagtakas sa 99-98 panalo ng Utah Jazz at tumapos sa nine-game winning streak ng Heat.

Umiskor si James ng 35 points kung saan 17 dito ay kanyang ginawa sa fourth quarter bukod pa sa kanyang 10 rebounds, 6 assists at 3 blocked shots para sa Miami.

Ipinasa niya ang bola kay Haslem para sa huling posesyon ng Heat na kaagad namang sinalubong nina Josh Howard at Paul Millsap para sa depensa ng Jazz.

Isinalpak ni Devin Harris ang isang go-ahead, three-point play sa natitirang 4.5 segundo mula sa pasa ni center Al Jefferson.

Nagdagdag naman si Dwyane Wade ng 31 points at 6 rebounds para sa Heat, may 28-8 record ngayon, kasunod ang 18 ni Shane Battier na sumalo sa naiwang trabaho ni All-Star Chris Bosh.

Sa iba pang laro, nanalo ang Chicago Bulls sa Cleveland Cavaliers, 112-91; Denver sa Houston Rockets, 117-105; Phila­del­phia 76ers sa Golden State Warriors, 105-83 at Atlanta Hawks sa Milwaukee Bucks, 94-99.

Show comments