MANILA, Philippines - Dinagit ni SEA Games double silver medalist Mervin Guarte ang ikalawang ginto para patunayan ang naihayag na kahandaan na dominahin ang 87th NCAA athletics competition sa Rizal Memorial Track Oval.
Ang 19-anyos na si Guarte na kuminang sa Indonesia SEA Games sa 800m at 1,500m run, ay naorasan ng 52.70 segundo para sundan ang gintong hinablot sa 3,000m steeplechase event.
Ang tindi ng itinakbo ni Guarte ay mahigit isang minuto ang inilayo niya sa mga nakalabang sina Michael Villamor ng Perpetual Help at teammate sa San Sebastian na si Justin Tabunda na nakontento sa ikalawa at ikatlong puwesto sa bilis na 1:56.60 at 1:57.60 tiempo.
“Target ko ang tatlo o apat na gold sa taong ito at nakikita kong kaya ko itong abutin,” ani Guarte na lalaro pa sa paboritong 1,500m, 5000m at 4x100m relay.
Tinatapatan naman si Guarte ni John Michael Lanuza ng Emilio Aguinaldo College sa high school division nang makatatlong ginto na ito.
Pinagharian ni Lanuza ang 100m dash sa bilis na 10.84 segundo upang isama sa mga napanalunan sa long jump at triple jump.
Ang pinakamabilis sa seniors sa Century Dash ay si Daniel Noval ng St. Benilde.
Samantala, gaganapin ngayon ang 87th NCAA cheerleading competition sa The Arena sa San Juan City at ang host Perpetual Help ang nagbabalak na angkinin ang ikatlong sunod na kampeonato.
Dinomina ng Altas Perps Squad ang huling dalawang edisyon at sa 2010 season ay umani ng 300 puntos para talunin ang Mapua at Jose Rizal.
Kung sakaling manalo uli ang Altas, mapapantayan nila ang 3-peat na ginawa ng koponan noon 2005 hanggang 2007.
“We wish the team good luck and we will be their to support them,” wika ni league president Anthony Tamayo ng host Perpetual Help.