Donaire-Mijares fight 'di pa sigurado
MANILA, Philippines - Hanggang sa ngayon ay wala pang katiyakan kung sino ang susunod na makakasagupa ni world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Sa kanyang Twitter account, pinabulaanan ni Donaire na si dating unified super flyweight champion Cristian Mijares ang hahamon sa kanya para sa suot niyang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown sa Hulyo 14 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
“Let me just clarify this for everyone. I got no one infront of me for my next fight yet,” sabi ng 29-anyos na si Donaire.
Sinabi na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na makikipag-usap sa kanya si Fernando Beltran, ang manager ng 30-anyos na si Mijares, ang dating WBC, IBF at WBA super flyweight king.
Ayon sa 29-anyos na si Donaire, handa siyang labanan ang kahit na sinong itapat sa kanya ng Top Rank.
“Whoever wants to put in their application to be my next opponent go right ahead and I’ll just be sitting here while ya’ll work it out,” sabi ni Donaire, nakabase ngayon sa San Leandro, California.
Umiskor si Donaire, nagdadala ng 28-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, ng isang unanimous decision win kontra kay Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico para sa bakanteng WBO super bantamweight title noong Pebrero 4.
Natalo naman si Mijares (44-6-2, 20 KOs) kay Vic Darchinyan, pinatulog ni Donaire sa fifth round para sa IBO at IBA flyweight belts noong Hulyo ng 2007, sa kanilang unification fight noong 2008.
Lalabanan muna ni Mijares si dating WBO bantamweight king Cruz Carbajal (32-18-2, 26 KOs) sa Abril 14 sa Mexico bago kanyang paghahamon kay Donaire sa Hulyo.
- Latest
- Trending