Lady Eagles tinapos na ng Archers, reyna sa UAAP Volley
MANILA, Philippines - Hindi pinaporma ng La Salle ang karibal na Ateneo tungo sa 25-16, 25-22, 25-13, straight sets panalo at sungkitin uli ang kampeonato sa UAAP women’s volleyball na pinaglabanan kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tinapos ni Charlene Cruz ang limang taong paglalaro sa collegiate league taglay ang 12 puntos habang si Michelle Gumabao ay may apat sa sampung blocks na ginawa ng Lady Archers na tinapos ang liga tangan ang 16-1 karta.
Ang tanging kabiguan na nalasap ng La Salle ay sa kamay ng Ateneo sa unang tagisan sa finals pero agad nilang isinantabi ito nang kunin ang sumunod na dalawang laro para ibigay din kay coach Ramil de Jesus ang kanyang ikapitong titulo sapul nang hinawakan ang koponan.
“Kahit natalo kami sa Game One ay hindi nawala ang tiwala namin sa kakayahan na manalo uli. Hindi nawala ang focus at ang pagtutulungan namin,” pahayag ng tubong Bulacan na si Cruz na may apat na kampeonato at siya ring hinirang bilang Finals MVP.
May 12 puntos si Alyssa Valdez pero hindi siya nabigyan ng suporta ng mga kakampi at ang team skipper na si Fille Cainglet ay nalimitahan lamang sa pitong hits para makontento ang Lady Eagles sa ikalawang puwesto.
Nakisalo sa mga nagdiwang ang FEU na kinumpleto ang dominasyon sa dating kampeon na UST gamit ang 25-27, 25-15, 25-19, 21-25, 15-13, sa men’s division.
Si JR Labrador na nasa huling taon ng paglalaro sa Tamaraws ay nagkalat ng 22 hits, kasama ang 4 blocks, habang si Arvin Avila ay may 19 puntos upang tapusin ang championship series sa 2-0 karta.
- Latest
- Trending