MANILA, Philippines - Naipasok ng San Miguel Beermen ang anim sa walong freethrows na ibinigay sa kanila sa overtime upang maitakas ang 81-77 panalo laban sa kinapos na Indonesia Warriors sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kinailangan ng Beermen na humabol mula sa 12 puntos na pagkakaiwan sa pagtatapos ng ikatlong yugto (51-63) at sa pamamagitan nina Dalron Johnson, Leo Avenido, Junmar Fajardo at Froilan Baguion ay naitabla ang laro sa 75-all sa regulation.
Si Johnson ay mayroong 27 puntos, 12 rito sa huling yugto, bukod pa sa 16 rebunds habang sina Avenido, Baguion at Fajardo ay naghatid ng 17, 14 at 12 puntos upang makabangon ang Beermen sa pagkatalo sa Westports Malaysia Dragons tungo sa 6-3 karta.
Si Baguion ay naghatid din ng 9 assists habang si Fajardo ay kumulekta ng 7 rebounds, 1 assist, 1 steal at 1 block para punuan ang puwesto ng bagong import na si 6’11” Jarred Famous na naglaro lamang sa 15 minuto at hindi nakaiskor bagamat may 5 rebounds.
Nasayang ang inilistang 19 puntos ni Larry Smith at ang 18 puntos at 9 assists ni Mario Wuysang dahil natahimik ang Warriors sa overtime nang magsasablay sa mahalagang opensa para malaglag sa 4-5 baraha
Si Wuysang at Roni Gunawan ay minalas na hindi naipasok ang magkasunod na buslo sa tres sa huling 25 segundo bago tinapos ni Baguion ang labanan sa split sa 15-foot line.