Lady Eagles tatapusin na ng Archers
MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na women’s volleyball title ang nais na hagipin ngayon ng La Salle sa pagharap uli sa Ateneo sa 74th UAAP volleyball ngayong hapon sa San Juan Arena.
Sariwa ang Lady Archers sa 23-25, 25-21, 26-24, 25-18, panalo sa Lady Eagles upang umabante sa 2-1 sa kanilang best-of -five title series na nangyari noong Sabado.
Gaya sa nagdaang labanan, ang La Salle na winalis ang double round elimination ay sasandal sa lakas ng kanilang blocking upang makuha ang panalo sa Ateneo sa larong itinakda ganap na alas-2 ng hapon.
“Susi ang blocking at receiving pero dapat ding mabawasan namin ang mga unforced errors,” wika ni Lady Archers coach Ramil De Jesus na sasandal sa husay nina Michelle Gumabao, Ara Galang at Cha Cruz.
“Mas bata ang team ko pero naipakita nilang kaya nilang makipagsabayan sa kanila. Dapat na kalimutan na ang nangyari sa last game at focus kami sa larong ito,” wika naman ni Ateneo mentor Roger Gorayeb na kikiling kina Alyssa Valdez, Dzi Gervacio at Fille Cainglet.
Ang FEU ang magpapasimula sa paghahanap ng titulo sa volleyball sa pagharap sa UST sa unang tagisan sa ganap na alas-10 ng umaga sa men’s division.
Lumapit ang Tams sa asam na kauna-unahang titulo sa huling limang taon nang angkinin ang 25-20, 25-21, 25-22, straight sets sa Growling Tigers noong Sabado.(AT)
- Latest
- Trending