MANILA, Philippines - Tatlo pang ginto ang inangkin ng host University of Perpetual Help System Dalta upang maging palaban sa idinadaos na 87th NCAA track and field competition sa Rizal Memorial Track Oval.
Si Mark Philipp Silloco ay nangibabaw sa 400m hurdles (54.86 seconds), bago sumunod sina Patrick Fadegoroa sa high jump (1.97m), at Mark Lary Basa sa 110m hurdles (15.17 seconds).
Nagparamdam din ang nagdedepensang Jose Rizal University nang manalo ng dalawang ginto habang umani rin ng papuri ang atleta ng St. Benilde sa ikalawang araw sa tatlong araw na kompetisyon sa athletics.
Ang Palarong Pambansa discovery mula General Santos City na si Albert Mantua ang naghatid sa unang ginto ng Heavy Bombers sa larangan ng shotput sa 13.90m marka para daigin ang tapon ng kakamping si Eduard Paul Paler (12.45).
Si Melbert Diones ay nangibabaw sa triple jump sa 14.05 meters upang maipakita ng JRU ang kahandaan na maidepensa pa ang hawak na titulo. Si Joram Enrick at Oscar Pasia Jr. ang nagbigay ng ginto sa St. Benilde nang si Enrick ay makapagtala ng 3.75m sa pole vault habang 39.65m naman ang pinakamalayong bato ni Pasia tungo sa unang puwesto sa discus throw.
Nagpasikat din si Sidney Onwubere ng Emilio Aguinaldo College dahil ang basketbolista napabilang sa koponang tumapos sa pang-apat na puwesto sa juniors division ay nanalo ng ginto sa javelin throw sa 43.08 meter marka.