MANILA, Philippines - Isa pang shooter ang makakasama sa Pambansang delegasyon na maglalaro sa London Olympics.
Sa pagdalo ni Chief of Mission Manny Lopez sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon, kanyang ibinunyag ang liham mula sa International Shooting Sports Federation (ISSF) sa Philippine Olympic Committee (POC) na nagsasabing makakapaglahok ang Philippine National Shooting Association (PNSA) gamit ang re-allocation of unused quota places ng isa pang shooters sa Olympics.
Nangyari ito dahil pitong shooters na kinatampukan ng dalawa sa 10m rifle, tatlo sa Trap shooting, at tig-isa sa 25m Rapid Fire at Skeet ang nakaabot sa minimum qualifying scores sa nilahukang Olympic qualifying tournament.
“Makakasali sila sa Olympics gamit ang re-allocation of unused quota places. May 390 shooters ang maglalaro sa London at 358 rito ang nakapasok by merit habang ang nalalabing 32 slots ay makakamit sa pamamagitan ng re-allocation o wild card,” paliwanag ni Lopez.
Tanging si boxer Mark Anthony Barriga ang nakapasok sa Olympics by merit habang ang athletics at swimming ay magpapasok ng isang lalaki at babaeng atleta bilang mandatory athletes ng bansa.
Umaasa si Lopez na aabot sa 10 atleta ang maglalaro sa London lalo pa’t ang boxing, wrestling, judo, weightlifting at BMX cycling ay naghahabol pa ng manlalaro para ipasoksa London Games.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si PNSA president Mikee Romero sa POC at kay Asian Shooting Confederation (ASC) president Sheik Salman Al-Sabah sa pagtulong sa Pilipinas upang makapaglahok ng kinatawan sa Olympics sa ikatlong sunod na edisyon.
Si Jethro Dionisio ang kumatawan sa Pilipinas sa 2004 Athens Olympics habang si Eric Ang ang bumalikat sa Pilipinas sa 2008 Beijing Olympics at naglaro sila sa Trap shooting. (AT)