MANILA, Philippines - Humataw agad ang 26th SEA Games double silver medalist Mervin Guarte nang angkinin uli ang ginto sa 3,000m steeple chase sa pagbubukas ng 87th NCAA track and field kahapon sa Philsports Complex sa Pasig City.
Kinatawan ang San Sebastian, binawi ni Guarte ang kabiguang inabot sa kamay ni Roldan Vera ng Jose Rizal University noong nakaraang taon nang iwanan niya ng milya-milya ang katunggali.
“Gusto ko talagang bumawi dahil ang pagkatalo ko sa kanya last year ay naging dahilan kung bakit hindi ako nanalo ng MVP,” wika ni Guarte na naorasan ng 9:40.38 laban sa 9:58.80 ni Verano.
Nagwagi ng pilak sa Palembang, Indonesia sa larangan ng1,500m at 800m distansya, si Guarte ay magbabalak na makapagdomina pa sa 800m, 1,500m, 5000m at sa 4x400m relay events para mabawi ang MVP title na hinawakan niya dalawang taon na ang nakalipas.
Nakitaan din ng galing si Ray Mark Castillo ng University of Perpetual Help System Dalta nang kunin niya ang ginto sa 110m hurdles habang ang junior tracksters ng Arellano University na si Aldrin Gonzales ang nanguna sa event na nabanggit sa high school division.
Pinangunahan naman ni league president Anthony Tamayo ng host Perpetual ang pagbubukas ng tatlong araw na tagisan sa athletics na kung saan ang PBA player at dating basketbolista ng Letran na si Willie Miller ang tumayo bilang panauhing pandangal.
Nakasama ni Tamayo sina Letran rector president Fr. Tamerlane Lana, OP, at Fr. Vic Calvo, OP, Peter Cayco ng Arellano,Dr.Ramon Cercado ng Perpetual, Frank Gusi ng San Sebastian,Jose Mari Lacson ng San Beda, Paul Supan ng Jose Rizal University,Hector Callanta ng Lyceum at Ding Lozano ng Mapua.
Ang ikalawang araw ng tagisan ay lilipat ngayon sa Rizal Memorial Track and Field Oval habang ang ikatlo at huling araw ay gagawin sa Huwebes sa nasabi ring palaruan.