U-21 booters pinaluhod ng Laos
MANILA, Philippines - Nanatiling walang panalo ang Pilipinas sa Hassanal Bolkiah Trophy (HBT) nang lasapin ang 1-3 kabiguan sa kamay ng Laos noong Linggo sa Balapan Track and Field sa Hassanal Bolkiah National Sports Complex sa Berakas.
Ang tatlong goals ng Laos ay nangyari sa loob lamang ng apat na minuto sa first half upang ipakita ang napakahinang depensa na inilatag ng junior Azkals na naunang lumasap ng 2-8 pagkatalo sa Myanmar.
Ang Pilipinas ang unang nagkaroon ng pagkakataon na makapuntos pero nadepensahan ang atake ni Marvin Janver Malinay Angeles sa 17th minute.
Matapos ito ay ang Laos na ang namayagpag para ibangon ang sarili matapos ang 0-2 pagkatalo sa unang laro laban sa Indonesia.
Si Sithideth Khantahayong ang naghatid ng unang goal sa 22nd minute bago sumunod si Soukaphone Vongchiengkham sa 23rd minuto.
Ang ikatlong goal ng Laos ay inangkin ni Keoviengpheth Lithideth sa magandang pasa ni Vongchiengkham sa 25th minute.
Nakaisa ang Pilipinas bago nagtapos ang first half sa pagsisikap ni Angelo Verheye Marasigan sa 41st minute.
Sinikap ng Pambansang koponan na bigyan ng magandang laban ang katunggali ngunit ang depensa ng Laos ay hindi mabutas-butas para malaglag sa huling puwesto sa Group A.
Pahinga ang Pilipinas sa loob ng apat na araw at dapat na gamitin nila ang bakasyon sa paghubog sa kanilang laro dahil ang huling laban nila ay kontra sa Singapore (Marso 2) at Indonesia (Marso 4).
- Latest
- Trending