MANILA, Philippines - Ilang sikat na manlalaro ng Air21 Express ang nagturo sa basketball clinic para sa mga bata sa Quezon City kahapon.
Tumayong coach sina Kazim Mirza, Ogie Menor at Elmer Espiritu sa higit sa 200 mga bata sa basketball court ng Brgy. Bagumbahay sa pakikipagtulungan ni QC Third District Councilor Julian Coseteng at sa suporta nina Capt. Cesar Dela Fuente Jr. at Capt. Enrico Rizo.
Nagsagawa ang mga bata ng 3-point shootouts, naglaro ng 3-on-3, at nag-basketball drill din sa una sa serye ng mga basketball clinic sa pangunguna ng AKTV, ang sports news portal ng TV5 kung saan ipinapalabas ang mga laro ng PBA sa 2011-2012 season.
Ang PBA on AKTV commentator na si Chiqui Reyes ang naging host ng kaganapan na siyang grassroots program ng AKTV upang dalhin ang PBA sa mga barangay.
Si Coseteng, na dating kampeon sa soft box derby racing at aminadong tagahanga ng PBA ay apo ng isa sa mga founder ng PBA Mariwasa.