Bustamante iginanti si Reyes kay Ko sa Face Off Series
MANILA, Philippines - Uminit ang laro ni Francisco ‘Django’ Bustamante sa puntong umaalagwa na ang laro ni Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei para iuwi ang 9-7 panalo sa ikalawang edisyon ng 2012 Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series noong Sabado sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Hinawakan ni Ko ang 7-5 kalamangan ngunit biglang lumamig ito at agad na kinapitalisa ni Bustamante sa pag-angkin ng huling apat na racks.
“Medyo kinabahan ako noong nakalamang siya pero hindi ako nawalan ng tiwalang kaya ko itong ipanalo. Kailangan ko lamang na makuha ang isang rack dahil winner’s break ito,” wika ni Bustamante.
Ang panalo ay pangganti rin ng 48-anyos na cue artist mula Tarlac City matapos daigin ni Ko ang kanyang kumpareng si Efren ‘Bata’ Reyes noong Pebrero 18, 9-4.
Magbabalik ang aksyon sa Marso 3 sa pagkikita nina Lee Van Corteza at Chang Jung-lin ng Chinese-Taipei at magkikita sina Chang at Dennis Orcollo sa Marso 10.
- Latest
- Trending