U-21 Pinoy booters laglag sa Myanmar, 2-8
MANILA, Philippines - Hindi maganda ang naging panimula ng Philippine Under 21 football team na naglalaro sa Hassanal Bolkiah Trophy (HBT) ASEAN youth football tournament sa Brunei nang lasapin ang 2-8 kabiguan sa Myanmar noong Biyernes na nilaro sa Balapan Track and Field.
Naghatid ang team captain ng Myanmar na si Kyaw Zayar Win ng tatlong goals habang si Thiet Naing ay may dalawa pa para ibigay ang unang panalo sa Myanmar.
Ang unang iskor ng Pilipinas ay hatid ni midfielder Marvin Janver Malinay Angeles para magkadikit ang dalawang koponan sa 2-1 sa halftime.
Ngunit nag-iba ang takbo sa second half dahil si Zayar Win ay umiskor laban kay goal keeper Paulo Pasqual sa 45th minute bago nagdagdag pa ng dalawa mula sa penalties sa 49th at 67th minute para iwanan ang Pilipinas sa 7-1.
Ibinigay ni Joshua Beloya ang ikalawang goal ng Pilipinas sa 85th minute ngunit di napigilan ng depensa ng Pilipinas ang huling goal mula kay Naing tungo sa pagtala ng final score.
Dismayado naman ang coach ng Pilipinas na si Zoran Dordevic dahil hindi napanatili ng kanyang koponan ang magandang nasimulan.
“We started well but we commited big errors. When you conceded that many goals against a good team, it could affect your confidence. We need to work harder and play as a team,” wika ni Dordevic sa post match press conference.
Sunod na asignatura ng junior Azkals ay ang Laos bukas sa Hassanal Bolkiah National Stadium sa Berakas habang ang Myanmar ay makikipagsukatan naman sa Indonesia sa Pebrero 28.
- Latest
- Trending