Bulacan kampeon sa 2012 CLRAA
MANILA, Philippines - Wala pa ring tatalo sa Bulacan kung kompetisyon sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) ang pag-uusapan.
Sa ikaanim na sunod na taon, nakamit ng nasabing delegasyon ang double championships tungo sa pang-17 sunod na overall title sa idinaos na CLRAA sa Zambales Sports Complex.
Nagtapos ang limang araw na tagisan ng 18 division schools at ang Bulacan ay nakakopo ng 499.7 puntos mula sa 227.5 sa elementary at 272.2 sa secondary para maipagpatuloy ang mataas na estado sa regional games na sa taong ito ay sinuportahan ng mag-amang Governor Hermogenes Ebdane Jr. at 2nd District Congressman Jun Omar Ebdane.
Ang mga Ebdane ang siyang naggawad ng tatlong higanteng tropeo sa closing ceremony noong Biyernes na tinanggap ni DepEd PESS Division Supervisor ng Bulacan na si Iluminada Estinos.
Pumangalawa uli sa tatlong dibisyon ang Pampanga sa nalikom na 153.5 sa elementary at 204.5 sa secondary tungo sa kabuuang 358 puntos.
Ang Olongapo City ang lumabas na ikatlong pinakamahusay na koponan sa 247.91 kasunod ng Bataan na mayroong 237.25 at Angeles City sa 224 puntos.
Pumangatlo naman sa elementary ang Tarlac City (152) bago sinundan ng Bataan (100) at Tarlac Province (99.5) habang ang Olongapo City (247.91), Bataan (237.25) at Angeles City (224) ang nalagas sa unang lima sa high school division.
Umabot sa halos 12,000 manlalaro, opisyales at bisita ang namalagi sa Zambales at ang mga nagsipanalo ang kakatawan sa Region III sa Palarong Pambansa sa Mayo sa Pangasinan.
- Latest
- Trending