Rain or Shine naisahan ng Ginebra
MANILA, Philippines - Dahil sa mahinang freethrow shooting ni Rain or Shine import Duke Crews, naitakas ng Barangay Ginebra ang isang 89-88 panalo sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup noong Biyernes ng gabi sa Al-Shabab Sports Center sa Dubai, United Arab Emirates.
Kumolekta si Mark Caguioa ng 19 points at 10 rebounds para tulungan ang Gin Kings na makabangon mula sa kanilang nakaraang 74-76 kabiguan sa Alaska Aces.
Itinaas ng Ginebra ang kanilang kartada sa 2-1 kapantay ang B-Meg at Alaska sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (1-0), Powerade (1-0) at Air21 (1-0) kasunod ang Petron Blaze (1-2), Meralco (1-2), Rain or Shine (1-3) at Barako Bull (1-3).
Kinuha ng Gin Kings ang 89-83 abante sa 2:33 ng fourth quarter mula sa basket ni Kerby Raymundo bago umiskor ang Elasto Painters, nanggaling sa 99-95 pananaig laban sa Energy noong Huwebes, para sa kanilang 85-89 agwat.
Ang dalawang mintis na freethrows ni Crews na nagtabla sana sa Rain or Shine sa huling 28 segundo ang nagtakas sa panalo ng Ginebra.
It’s an ugly win but we’ll take it,” sabi ni Gin Kings’ head coach Siot Tanquingcen, nakahugot ng 14 points at 13 boards mula kay balik-import Chris Alexander.
Umiskor si Jayjay Helterbrand, kumamada sa third period kung saan kinuha ng Ginebra ang isang 11-point lead, 56-45, sa ilalim ng 8:00 minuto dito, ng 18 markers kasunod ang tig-10 nina Raymundo at Mike Cortez.
Tumapos ang 6-foot-7 na si Crews na may 28 points, ngunit may masamang 12-for-20 clip sa charity line.
Ginebra 89--Caguioa 19, Helterbrand 18, Alexander 14, Raymundo 10, Cortez 10, Hatfield 6, Canaleta 6, J. Wilson 3, W. Wilson 2, Menk 1, Ababou 0, Mamaril 0.
Rain or Shine 88--Crews 28, Chan 14, Lee 13, Norwood 10, Matias 6, Buenafe 5, Belga 3, Ibañes 3, Cruz 3, Quinahan 2, Arana 0.
Quarterscores: 21-18; 42-40; 68-63; 89-88.
- Latest
- Trending